Ai-Ai delas Alas admits she almost quit showbiz

5/20/2017 9:49 AM | Updated as of 5/21/2017 9:18 AM
by: Leo Bukas

052017-AiAiDelasAlas_PUSH.jpg

Naging emosyonal si Comedy Queen Ai-Ai delas Alas sa thanksgiving presscon na ipinatawag ng Regal Entertainment nu’ng Huwebes, May 18, ng tanghali para sa tagumay ng pelikulang Our Mighty Yaya na almost P40M na ang kinita sa box-office.

Ani Ai-Ai, “Three or four years ago, dumaan ako sa maraming pagsubok. Namatay ‘yung nanay ko, flop ‘yung movie namin, tapos, mahirap tanggapin ‘yun. Tapos, nahiwalay ako sa asawa ko, lahat ‘yon sunud-sunod na nangyari.

“So, sabi ko sa sarili ko, may nagawa ba akong hindi maganda?

“So, masamang kwestyunin si Lord, di ba? Pero pag nasasaktan ako nang time na ‘yun, natanong ko siya, “Lord bakit? Ano’ng nagawa kong masama, ba’t nangyayari sa akin ‘to?

“And then, eto ‘yung sagot. Parang kaya ako emosyonal, eto ‘yung sagot – ‘Anak, maghintay ka lang, kasi lahat ibabalik ko sa ‘yo sa tamang panahon.’”

Bumili na rin daw siya ng bahay sa Amerika para doon na tumira.

“Actually, ang totoong plano ko, kaya ako bumili ng bahay sa Amerika, after ng lahat ng pangyayari sa buhay ko, pati sa family life and sa marriage ko, dapat hindi na ako mag-aartista.

“Pupunta na lang akong Amerika, do’n na lang ako sa mga anak ko. Until ipinatawag ako ng APT (produksyon ni Tony Tuviera), nakipag-usap si Boy (Abunda) sa APT at ‘yun nga, napunta ako sa GMA-7,” kuwento ng Comedy Queen.

Alam din daw ng manager niya na ayaw na niyang magpatuloy noon sa showbiz.

“Alam ni Boy yon, alam niyang ayaw ko na. Pero sabi niya, ‘Naniniwala ako sa yo. Naniniwala ako sa kakayahan mo. Ayokong huminto ka muna kasi marami ka pang ilalabas.’

“Nawalan na ako ng kompiyansa sa sarili ko, pero may mga taong naniniwala pa rin sa akin – si Boy, si Mother (Lily Monteverde), si Roselle. Sabi ni Roselle, naniniwala kami sa yo.

“So yon ang dahilan kung bakit ako emosyonal kasi naniniwala pa pala sila sa akin at saka may mga taong tumutulong pa rin sa akin para manatili ako dito sa show business,” umiiyak na pahayag ni Ai-Ai.

Natawa naman ang press nang sabihin ni Mother Lily na dahil sa kinita ng Our Mighty Yaya ni Ai-Ai ay naging rich ulit siya.

“You know what, Ai-Ai? Thank you for making me rich again,” natatawang sabi ni Mother.

Dagdag pa ni Ai-Ai, “Totoo yon. Hindi ko lang ito inilalabas kasi parang wala namang paglalabasan. Oh, ngayon naikuwento ko na, dapat titigil na talaga ako sa pag-artista.”

Ayon pa kay Ai-Ai, mas meaningful ang success ng Our Mighty Yaya dahil dito niya nakita na marami pa rin ang nagmamahal at tumatangkilik sa kanyang pelikula na ang akala niya ay wala na.

Visit the Full Desktop Site

Copyright © 2017 Push ABS-CBN